Wednesday, June 02, 2010

I wish.


I wish you were here.

May mga taong sa sobrang laki ng iniwang marka sa buhay mo, eh, nakakamiss talaga. Lalo na kung yung samahan nyo sa kasalukuyan ay hindi na gaya ng dati. Nakakainis yung tipong naglalakad ka, nakita mo yung dati niyong tinatambayan noong madalas pa kayong magkasama, yung paborito niyong street food, yung madalas niyong orderin sa kinakainan niyo, yung pader/upuan/puno/tissue na sinulat-sulatan niyo, at kung anu-ano pa, tapos maaalala mo na lang siyang bigla. Ang ibig kong sabihin, eh, yun bang nakadikit na sa ilang bagay yung mismong alaala niya. Yung parang kapag nakita mo yung mga bagay na yun, automatic, siya ang unang-unang papasok sa isipan mo. Nakakainis kapag sinanay ka niya o kusa ka lang nasanay na nandiyan siya tapos bigla na lang mawawala. Pagkatapos niyang mawala, yung mga bagay na hindi mo naman napapansin noon habang kasama siya, eh, magugulat ka na lang na maaalala mo sa puntong madaanan mo ang mga ito kasi nga nakikita mo siya dito. Kapag umabot sa tipong ang dami mo ng naalala, doon mo mapapagtanto na hinahanap-hanap mo siya, na gusto mo ulit siyang makasama, na gusto mong gawin ulit yung mga nakasanayan niyong gawin kahit abutin pa kayo ng isang buong araw, na hindi mo pa rin mapakawalan yung kaliit-liitang bagay o pangako na hanggang sa abot ng iyong makakaya ay pinanghahawakan mo, at sa bandang huli malalaman at aaminin mong hindi ka pa rin sanay na wala siya sa tabi mo. I wish you were here ..

I wish you the best.

May mga bagay na gusto natin pero talagang hindi para sa atin. Wala tayong ibang magagawa kundi ang tanggapin ito. Wala naman tayong karapatang pangunahan sila. Hindi pwedeng tayo ang masusunod sa lahat ng oras. May sarili rin silang gusto sa buhay, at hindi natin 'yon pwedeng panghimasukan. Hindi tayo nagmahal para lamang mahalin. Nagmahal tayo ng may pagkukusa. Kailangan nating magpatuloy sa buhay -- nandiyan man siya o wala. Hindi sila dumating sa buhay natin para lamang punan ang ating pagkatao o kaya ay saktan tayo. Nakilala natin sila para na rin matuto. Walang taong ginustong saktan ang kapwa niya. May mga panahon lang na hindi umaayon sa kung ano ang ninanais natin. "Hindi niya piniling saktan ka. Nasaktan ka lang kasi hindi maluwag sa puso mo na ibigay yung hinihingi niya." Hindi natin dapat isumbat sa kanila ang pagkukulang o sakit na idinulot nila sa atin. Dapat pa natin silang pasalamatan sa panahong inilaan nila upang iparamdam sa atin na minsan sa ating buhay, naranasan nating mahalin. Kung talagang mahal mo yung tao, matututo kang ibigay ang pagpapatawad para na rin sa ikatatahimik ng loob niya na ikagagaan naman din ng loob mo. Sa pagkakataong ito, I wish you the best ..

No comments:

Post a Comment